Nagkaloob ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng halagang P2.022 milyon sa tatlong civilian informants na nagbigay daan sa pagkapilay ng operasyon ng sindikato ng droga sa bansa.
Ang tatlong informants ay ginawaran ng parangal sa isang simpleng seremonya sa PDEA building sa QC bunsod ng impormasyon naipagkaloob ng mga ito sa ahensiya kaya nasukol ang dalawang clandestine shabu laboratories; pagkumpiska sa 8.9 kilograms ng shabu; 73.005 liters ng liquid methamphetamine; 9.811 kilograms ng ephedrine; controlled precursors at essential chemicals gayundin ang pagkaaresto sa 7 dayuhan na miyembro ng transnational at local drug groups
Ang naipagkaloob na pondo ay bahagi ng P1 bilyong Anti-Graft Fund ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) kung saan ang PDEA ay isa sa beneficiary government agencies nito.
Ang Operation: “Private Eye”, ang isa sa kampanya ng PDEA na sinusuportahan ng Anti-Graft Fund. (Angie dela Cruz)