Pinadadampot ng Mandaluyong City Regional Regional Trial Court ang limang Pinoy na konektado sa nabangkaroteng US-based investment bank Lehman Brothers dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Dummy Law.
Naglabas din si Mandaluyong City RTC Branch 214 Judge Edwin Sorongon ng hold-departure orders laban kina Norman Macasaet, Carlos Mañalac, Michael Rabonza, Edilberto Castañeda, Ana Marie Katigbak dahil sa kabiguan nilang mag pasaklaw sa hurisdiksiyon ng hukuman.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong isinampa ng negosyanteng si Victor “Vicvic” Villavicencio laban sa Lehman Brothers at sa kaalyado nitong kompanya sa Pilipinas na Philippine Investment One at Philippine Investment Two dahil sa umano’y paglabag sa anti-dummy laws at pagbabawal ng Konstitusyon sa mga dayuhan na magmay-ari ng lupa sa bansa.
Sinubukan pang harangin ng mga akusado ang arrest warrant ngu nit sinabi ni Judge Sorongon na matibay ang ebidensiyang iprinisita ni Villavicencio upang sila ay maaresto.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Villavicencio na pumasok siya sa isang restructuring deal sa Equitable-PCI upang matubos niya ang isinanlang ari-arian sa loob ng sampung taon.
Ngunit ibinenta ng Equitable-PCI ang ari-arian sa Philippine Investment Two Inc., na pagmamay-ari ng Philippine Investment One Inc. Natuklasan naman ni Villavicencio na ang Lehman Brothers ay majority shareholder sa Philippine Investment One Inc.
Gusto sanang bilhin ni Villavicencio ang ari-arian sa Lehman Brothers-owned firm ng P60 million hanggang P65 million, ang halaga ng pagkakabili nito sa Equitable-PCI Bank ngunit pinagpasa-pasahan lang umano siya ng mga akusado.
Napag-alaman din ni Villavicencio na may 1.24 million shares ang Lehman Brothers sa dalawang kompanya, bagay na hindi pinapayagan ng Anti-Dummy Law. (Butch Quejada)