Itinatago lamang umano sa isang lugar sa Quezon City ang convicted rapist na si Lance Corporal Daniel Smith.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Atty. Harry Roque, abogado ni dating Senador Jovito Salonga na siyang petitioner sa kaso sa ginanap na oral argument sa Korte Suprema kaugnay sa usapin sa kustodiya ni Smith matapos itong mahatulan ng kasong panggagahasa ng Makati Regional Trial Court (RTC) noong 2005.
Ayon kay Roque, wala na umano sa US Embassy sa Maynila si Smith kundi nasa isang lugar sa Quezon City kung saan ito itinatago.
Giit ni Roque at ni Atty. Pacifico Agabin, na may diskriminasyon at may paglabag sa ginawang paglilipat kay Smith dahil ang mga Pinoy na bilanggo ay nagsisiksikan sa maliit na kulungan subalit ang kulungan ng dayuhan ay isang komportable at magandang lugar kung saan mayroong aircondition at internet connection.
Nagtitiis umano ang mga Pinoy sa maliit na selda habang ang convicted rapist na si Smith ay may special treatment pa.
Samantala, kinuwestiyon naman ni Supreme Court (SC) Associate Justice Presbitero Velasco ang paghahain ng mga complainants ng petition sa Korte Suprema kung sino ang may karapatan sa kostodiya ni Smith.
Sinabi ni Velasco na ang nasabing usapin sa national sovereignty ay una nang nadesisyunan ng Korte Suprema noon sa kaso ng Bayan vs. Zamora.
Mistula umanong na-bypass ng mga petitioner ang Court of Appeals (CA) na siyang mayroong hurisdiksyon na desisyunan ang kaso sa halip na dumiretso sa SC.
Nilinaw ng mga Mahistrado na kung magpapalabas sila ng desisyon ay baka maapektuhan ang nauna na nilang desisyon sa kaso ng Bayan vs. Zamora kung saan idineklara nilang konstitusyunal ang Visiting Forces Agreement. (Gemma Amargo-Garcia)