Pinasisibak ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. ang mga sakiting opisyal ni Pangulong Arroyo matapos ang sunud-sunod na pagbibitiw sa puwesto ng ilan sa mga ito na ang laging dahilan ay “health reasons.”
Ito ang naging reaksiyon ni Pimentel sa pagre-resign nina Napocor President Cyril del Callar at Philippine National Oil Corp.-Alternative Fuels Corporation (PNOC-AFC) President Peter Abaya na ang ibinigay na mga dahilan ng pagbibitiw sa puwesto ay “health reasons.”
Labis na ipinagtataka ni Pimentel kung bakit dumarami ang sakiting miyembro ng Gabinete ni Pangulong Arroyo. Ayon kay Pimentel, kung ‘mahihina’ rin lang umano ang pangangatawan ng ilang opisyal nito ay mas makakabuting lumayas ng lahat ng mga sakiting opisyal at Gabinete.
Kinumpirma ni Energy Secretary Angelo Reyes ang pagbibitiw ng dalawang opisyal at kaagad itinalaga si dating Army chief Romeo Tolentino kapalit ni Abaya.
Wala pang itinatalagang kapalit ni del Callar sa Napocor at ayon sa Malacañang, hindi pa raw tinatanggap ng Pangulo ang resignation nito. (Malou Escudero/Rudy Andal)