Nabokya sa Court of Appeals (CA) si Sen. Jamby Madrigal matapos hindi pagbigyan ang kanyang petisyon kaugnay sa kasong estafa na isinampa nito sa kanyang chief of staff.
ito ay matapos na ibasura ng CA ang motion for reconsideration ni Madrigal at sa halip ay pinagtibay ng appellate court ang desisyon ni Quezon City Regional Trial Court branch 215 Judge Ma. Luisa Quijano-Padilla noong Mayo 21,2008 na makapag-prisinta na ng ebidensiya at testigo si Peter Sing na sinampahan ng kasong estafa ng una.
Giit ng Appellate Court, walang naganap na pag-abuso sa panig ng hukom nang hindi nito pagbigyan ang muling pagtatakda ng pagdinig ng kaso dahil sa nilalabag na ni Madrigal ang karapatan sa speedy trial ni Sing at sa assistant nito na si Rosario Tiano.
Sinabi ng CA na walang bago sa mosyon ni Madrigal dahil natalakay na nila ito sa original petition.
Nag-ugat ang kaso laban kay Sing matapos na hindi umano nito mai-liquidate ang nagastos sa kasal ni Jamby noong December 8, 2002 na nagkakahalaga ng P259,569.60 habang hindi rin nakuwenta ni Tiano ang P71,000 na binigay ng senadora para sa nabanggit ding kasal. (Gemma Amargo-Garcia)