Naniniwala si Senate President Manuel Villar Jr. na mas dapat unahin ang napakaraming problema ng bansa kaysa sa sinasabing isyu ng P200 milyong ‘budget insertion’ para sa C-5 road extension project.
Ayon kay Villar, mas pinipili niya ngayong huwag makipagtalo tungkol sa isyu upang maging maayos pa rin ang lahat kahit na napapabalitang may maglulunsad ng kudeta laban sa kanya.
Kinumpirma rin ni Villar ang pag-iwas sa media, katulad nang pagbibigay ng ambush interview dahil masama ang kanyang loob at nasasaktan dahil sa paratang sa kanya ni opposition Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson gayong ilang beses na niyang inulit na kahit singko ay hindi siya nakinabang sa sinasabing ‘double insertion’.
Ang mahalaga aniya ngayon ay mapanatiling matiwasay ang kanyang liderato at maiwasan ang pagkakahati ng mga miyembro.
Samantala, hangga’t hindi umano nasasagot ni Villar ang dalawang isyung iniwan ni Lacson sa privilege speech, partikular kung sino ang nagsingit ng P200 milyon sa C-5 road project at kaninong lupa ang makiki nabang sa daraanan ng kalsada, ay hindi titigil ang huli sa pagbanat sa Senate president.
Ayon kay Lacson, conflict of interest ang pinag-uusapan sa isyu at dapat itong masagot ni Villar.
Ginawa ni Lacson ang reaksiyon matapos igiit ni Senate majority floor leader Francis Pangilinan, chairman ng senate committee on rules, na dapat nang magkaroon ng ‘ceasefire’ sa pagitan ni Lacson at Villar.
Naalarma na rin si Sen. Kiko Pangilinan sa sabay-sabay na hindi pag-attend ng sesyon ng minority bloc kamakalawa.
“Tigilan na ang pagtatalo sa harap ng camera. Let’s start the investigation so we can get down to business,” ani Pangilinan. (Malou Escudero)