Dalawang Malaysian ang inaresto at ipinata pon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) matapos na masangkot sa human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, sina Balagobal Kannataasan, 26, at Harisan Amirtham, 34, ay dineport kamakalawa sa Malaysian Airlines flight patungong Kuala Lumpur.
Sinabi ni Libanan na ang mga dayuhan ay pinalayas alinsunod sa ipinalabas na summary deportation ng BI board of commissioners.
“The swift and decisive action of our board in immediately ordering the deportation of these foreigners demonstrates our serious resolve to intensify the campaign against human trafficking in our ports,” ani Libanan.
Inilagay na ng BI ang dalawa sa blacklist ng undesirable aliens ng ahensya.
Sa report, pasakay na sana ng Qantas Airlines flight patungong Vancouver, Canada noong May 2 ang dalawang dayuhan nang masabat ng mga miyembro ng Migration Compliance and Monitoring Group ng BI na nakatalaga sa departure area ng NAIA.
Ang Malaysian passports ng dalawa ay huwad at peke ang immigration arrival stamps upang masabi na dumating sila sa bansa noong April 13.
Pinuri naman ni Libanan ang mga immigration officers na nakahuli sa Malaysians kasabay ng pangako na hindi tatantanan ng ahensiya ang kampanya upang mapigil ang human trafficking sa mga paliparan ng bansa. (Ellen Fernando)