Babae piniling maging lalaki
Pinaboran ng Korte Suprema ang kahilingan ng isang indibidwal na mapalitan ang kanyang pangalang babae patungo sa pangalang lalaki.
Ito’y makaraang pagtibayin ng Kataas-taasang Hukuman ang naunang desisyon ng Siniloan Laguna Regional Trial Court Branch 33, na mabago ang kanyang pangalan sa kanyang birth certificate mula sa pangalang Jennifer Cagandahan tungo sa Jeff Cagandahan.
Naniniwala ang Korte Suprema na ang mismong indibidwal ang ang siyang magdedesisyon sa kung anong kasarian mayroon siya.
Una ng nakasaad sa birth certificate ng petisyoner ang pangalang Jennifer Cagandahan na ipinanganak noong January 13, 1981.
Nadiskubre na si Jennifer ay nagtataglay ng “congenital adrenal hyperlasia,” isang kundisyon ng isang tao na nagkakaroon ng katangian ng isang lalaki.
Nakitaan din umano si Jennifer ng maliliit na ovaries noong siya ay anim na taong gulang, subalit dumating ito sa edad na13 ay lumiit ito, hindi umano lumalaki ang kanyang dibdib at hindi rin siya nagkaroon ng buwanang dalaw, o menstruation.
Habang nagkaka-edad umano si Jennifer ay natuklasan na nagtataglay ito ng dalawang sex organs.
Sa desisyong sinulat ni SC Associate Justice Leonardo Quisumbing, na ang kundisyon ng isang indibiduwal ay paubaya na lamang sa kung ano ang kanyang kasarian. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending