Iniutos kahapon ni Pangulong Arroyo na imbestigahan ang napaulat na iregularidad sa P218.7 milyong Ginintuang Masaganang Ani (GMA) rice program.
Sinabi ni Press Secretary Jesus Dureza, nais malaman ng Pangulo ang report ng Commission on Audit (COA) na pineke umano ang 52 lagda ng mga farmer-beneficiaries sa P218.7 milyong rice program.
Wika pa ni Sec. Dureza, dapat ay isumite ng COA ang kanilang report sa Ombudsman upang maparusahan ang mapapatunayang sangkot sa anomalya.
Hugas-kamay naman si Agriculture Secretary Arthur Yap at itinuro ang mga lokal na pamahalaan na silang dapat magpaliwanag.
Ayon kay Yap, bagama’t ang Department of Agriculture ang namahala sa nasabing GMA rice program ay hanggang sa regional level lamang ang naging partisipasyon ng DA.
Sa ilalim ng programa ay makakatanggap ang mga magsasaka ng mas murang buto at pataba mula sa DA. (Rudy Andal)