Mailap na hustisya para sa kanyang minasaker na pamilya ang nagtulak sa isang menor de edad na recruit upang paslangin ang isang Commander ng New People’s Army (NPA) at aide de camp nito sa Compostela Valley kamakalawa.
Kinilala lamang ang napaslang na sina “Ka Isko”, Commander ng Guerilla Front 27 ng Southern Mindanao Regional Committee ng NPA at ang right-hand man nitong si alyas Ka Joel.
Boluntaryo namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek na itinatago sa pangalang Jojo, 17 anyos na umamin sa krimen.
Sa salaysay ni Jojo, su mapi siya sa NPA Movement noong Hunyo 3, 2008 matapos na i-recruit ng grupo ni Ka Isko.
Gayunman, taliwas sa inaasahan ay hindi tumalab ang doktrina ng communist rebels kay Jojo dahilan buhay na buhay sa isip nito na ang grupo ng kanyang sinamahang mga rebelde ang brutal na pumaslang sa kaniyang pamilya may ilang taon na ang nakakaraan.
Ayon pa kay Jojo, ang tanging misyon niya sa pagsapi sa NPA ay ang ipaghiganti ang kanyang pamilya. Hindi umano siya nag-aksaya ng pagkakataon nang matiyempuhang natutulog si Commander Isko at kanang-kamay nito nang kanyang pagbabarilin sa kanilang kuta sa bayan ng Maragusan ng lalawigan.
Nagkataon namang nagtungo sa ilog para maligo ang iba pang mga tauhan ni Ka Isko ng mangyari ang krimen.
Nang matiyak na patay na ang dalawa, tumakas ang suspek at nagdesisyong sumuko sa mga awtoridad.