Hinging proteksyon ni Lozada binasura ng CA

Ibinasura lamang ng Appellate Court ang pe­tisyon ni Rodolfo Noel “Jun” Lozada Jr. na bigyan siya ng proteksiyon ng korte kaugnay sa banta sa kaniyang buhay matapos umanong makidnap sa Ninoy Aquino International Airport noong Pebrero 2008 ng mga tauhan ng gobyerno, pagdating mula sa Hongkong.

Sa ipinalabas na de­sisyon ng Court of Appeals (CA) sa panulat ni Associate Justice Celia Librea Leagogo, hindi umano napatunayan ni Lozada na siya ay kinidnap, tinitiktikan at hindi rin nito napatu­nayang may banta ang kanyang buhay.

Malinaw aniya na hindi kailangang pagbigyan ang petition for writ of amparo na inihain ni Lozada dahil ang karapatan sa kalayaan at seguridad niya ay hindi nalabag o nanganib sa katunayang malaya itong gumagala sa mga interfaith rallies sa school campuses sa Metro Manila at ibang lalawigan.

“It bears stressing that the instant amparo petition does not involve extralegal killings, enforced disappearances, or threats thereof. This Court also takes note that Lozada even attended an inter-faith rally in Makati and has been on campus tours, not only in Metro Manila but also in other parts of the country,” anang kautusan.

Ayon pa sa CA, ang sinasabing mga lalaking dumukot kay Lozada ay lumalabas na mga inutusan ni Environment Secretary Lito Atienza para siya sunduin nang dahil sa kahilingan niya na maaari siyang abangan ng mga dudukot sa kaniya upang hindi makapagtestigo sa imbestigasyon ng Senado sa kontrobersiyal na NBN-ZTE deal. Kabilang sa respondents sa kaso sina Executive Secretary Eduardo Ermita, Philippine National Police chief Avelino Razon, airport security chief Angel Atutubo at SPO4 Roger Valeroso. (Ludy Bermudo)

Show comments