Isa pang LRT station sa Caloocan hirit

Isinulong kahapon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri kasama ang mga opisyal ng ba­rangay, negosyante at residente ang petisyon para hilingin sa pamaha­laan na magtayo ng isa pang LRT train station sa Bagong Barrio para sa kapakinabangan ng may 500,000 pasahero na araw-araw sumasakay sa naturang lugar.

Sinabi ni Echiverri na ang mga pasahero mula sa Bagong Barrio area na sumasakay ng LRT at MRT ay nangangailangan pang sumakay ng ibang road-based public transport, kagaya ng jeepney at bus, para lamang marating ang pinakamalapit nilang istasyon.

Bukod dito, sinabi ni Echiverri na base sa pag-aaral ng City Planning and Development Department, ang Monumento station, na pinakamalapit sa CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas-Valen­zuela) area, ay magiging “heavily overcrowded” dahil sa pag­dagsa ng mga karagda­gang pasahero.

Kaugnay nito, naka­takdang simulan ngayong buwan ang konstruksyon ng naturang proyekto. (Lordeth Bonilla)

Show comments