Pagdami ng OFWs sampal sa gobyerno
Itinuturing ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na isang sampal umano sa pamahalaan ang pagkakaroon ng “exodus” o pagdami ng mga overseas Filipino workers upang magkaroon ng magandang kinabukasan.
Ayon kay Bishop Cruz, patunay lamang na maraming Pinoy ang desperado na at naniniwala na walang magiging magandang kinabukasan ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
Hindi rin naman aniya lingid sa mga ito ang panganib at posibleng pang-aabuso na susuungin ng mga OFW sa ibayong dagat ngunit mas pinipili ng mga ito na makipagsapalaran upang magkaroon lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Paliwanag ng arsobispo, tiyak na may “mali” sa isang bansa kung saan milyong mamamayan ang lumilisan upang magtungo sa ibayong dagat.
Tila naging baligtad na rin umano ang sitwasyon dahil sa halip na ang pamahalaan ang magbigay para sa kapakanan ng mga mamamayan nito, ang mga OFW na ang siyang nagpopondo sa pamahalaan upang mapanatiling maunlad ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng dollar remittances.
Naniniwala rin naman ang arsobispo na matitigil lamang ang “exodus” sa bansa kung magkakaroon na ng sariling mga tahanan ang Pinoy sa sarili nilang bansa, kung mabi bigyan na sila ng pamahalaan ng trabaho at ikabubuhay, kung mapagkakatiwalaan na ng mga ito ang kanilang pamahalaan at maipagmamalaki na nila ang kanilang bansa. (Doris Franche)
- Latest
- Trending