Nanawagan si Senator Richard Gordon kay Pa ngulong Arroyo, kanyang mga kasamahan sa Senado at sa Mababang Kapulungan at maging sa Commission on Elections na magkaroon ng sapat na political will sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pondo para sa pagsasaayos ng voters list at pag-apruba ng full automation of elections sa 2010. “We owe it to the Filipino people. It is about time that we move away from the archaic method of manual voting and canvassing which had been subject to fraud and manipulation,” ani Gordon.
Sa hearing ng Joint Oversight Committee on Automated Elections na ginanap nitong nakaraang linggo, hinikayat ni Gordon ang Comelec na magsumite na ng proposal para sa supplemental budget para sa susunod na dalawang taon nang masimulan na ang kinakailangang paghahanda para sa 2010 automation.
Inamin ni Comelec Chairman Jose Melo na ang kanilang unang naisumiteng budgetary allocation sa 2009 sa Malacañang ay maaaring hindi sasapat para ma-implement ang full automation lalo na kapag idineploy na nila ang mga automated voting machines sa precinct levels sa kalakhang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Gordon ang Pangulo na maaalala ng mga Filipino ang kanyang administrasyon kung susuportahan niya ang pagsulong ng 2010 poll automation program. (Malou Escudero)