Tinanggal ng Sandiganbayan ang naipalabas na bench warrant laban kina Oriental Mindoro Representatives Rodolfo Valencia at Alfonso Umali matapos ang mga itong personal na magpaliwanag kung bakit sila ay nabigong dumalo sa naitakdang hearing sa graft court kaugnay ng kanilang kasong katiwalian na nakasampa dito.
Sina Valencia at Umali ay nagpunta kahapon sa sala ni anti-graft court’s Fourth Division Justice Gregory Ong upang magsampa ng kanilang mosyon para maalis ang warrant laban sa kanila.
Si Umali ay naka-wheelchair pa nang magpunta sa Sandiganbayan makaraang dalhin sa Heart Center nitong nakaraang Huwebes at naibalik agad sa paga mutan makaraang magpakita sa graft court.
Sa kanyang panig, pinaliwanag naman ni Valencia na siya ay hindi nakapunta sa Sandiganbayan dahil sa siya ay may sakit samantalang si Umali ay nasa labas ng bansa nang maipalabas ang desisyon ng graft court laban sa kanya noong Setyembre 9.
Bago tanggalin ang warrant inutos muna ng graft court na magbayad ang mga ito ng tig-P60,000 halaga para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Una rito, nagpalabas ng bench warrant ang Sandiganbayan laban sa dalawa at kina dating Oriental Mindoro vice governor Pedrito Reyes at da ting provincial board member Jose Enriquez na pawang hindi nakapunta sa naitakdang hearing ng graft court kaugnay ng umano’y paglustay ng mga ito sa P2.5 milyon na sinasabing ginamit sa “repair, operation, at maintenance ng transport vehicle na MV Ace at hindi nagamit ang pera sa pampublikong serbisyo.