Sabio at de Borja magtutuos sa DOJ
Nagtalaga na ng panel ang Department of Justice (DOJ) na mag-iimbestiga sa umano’y panunuhol ng negosyanteng si Francis de Borja kay Court of Appeals (CA) Associate Justice Jose Sabio upang paboran ang kaso ng Meralco.
Ang panel ay bubuuin nina Justice Undersecretary Ernesto Pineda, Undersecretary Fidel Exconde at Chief State Prosecutor Jovencito Zuno habang magsisilbing consultant ang National Bureau of Investigation (NBI).
Unang isasalang sa pagdinig sina Sabio at de Borja kung saan hahanap din ng testigo ang DOJ upang patunayan ang sinasabing panunuhol ng huli na naganap umano sa compound ng Ateneo University.
Ayon naman kay Supreme Court (SC) Spokesman Atty. Midas Marquez, nagpadala rin sila ng kumpletong records ng pagdinig sa tanggapan ng Bar Confidant upang magamit namang basehan sa gagawing imbestigasyon nito sa kaso ni PCGG Chairman Camilo Sabio. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending