Iranian dineport sa pekeng passport
Isang Iranian national ang ipinatapon palabas ng bansa kahapon ng mga ahente Bureau of Immigration matapos na gumamit ng pekeng Norwegian passport ilang minuto lamang pagkadating nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 galing Singapore.
Kinilala ni Immigration head supervisor Marie Vitan ang dayuhan na si Mohamad Ranjbarzad, 34, tubong Tehran.
Si Mohammad ay dumating dakong alas-9 ng gabi sakay ng Philippine Airlines flight PR-508 at ng ipakita nito ang kanyang passport ay napag-alaman ng immigration inspector na na-tamper ito at nasa pangalan ng isang Rekve Arntin Hoel, 26.
Inamin naman ng nasabing dayuhan na binili niya ang kanyang pasaporte ng halagang $2,000 habang siya ay nasa Bangkok. Mula Singapore ay dadaan ito sa Manila at saka tutungo pa-Australia bilang pinal nitong destinasyon. Dahil dito, inaresto ang nasabing Iranian at iniutos na ilagay sa exlcusion area at agad na ideport sa Singapore na kanyang point of origin o pinagmulan saka isama sa mga blacklisted persons.
Nang tanungin sa suspect ang kanyang Iranian passport ay sinabi nitong nai-flush niya ito sa kubeta pagkadating sa NAIA. Narekober naman ng BI intelligence officers, sa pangunguna ni Rudy David, ang Iranian passport sa kubeta ngunit ito’y sira na at nawawala pa ang ilang pahina.
“We are hand in hand in coordinating with embassy representatives to arrest passengers using Manila as a jumpoff point to other destination such as Canada, Australia and Japan,” wika ni Libanan. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending