Sumabit na CA Justices pinagre-resign

Hindi umano sapat ang parusang ipinataw ng 3-man panel na binuo ng Supreme Court para litisin ang mga justices ng Court of Appeals (CA) na isinasangkot sa isyu ng suhulan ng Meralco-GSIS.

Naniniwala sina Senate Majority Floorleader Francis Pangilinan at Nueva Ecija Rep. Edno Joson na dapat tang­galan ng lisensiya bilang abogado si CA Justice Vicente Roxas at hindi sapat ang pagsibak la­mang sa kanya ng korte.

Dapat din aniyang ikonsidera na ng ibang justices na naparusahan pero hindi nasibak na mag-resign na lamang sa kanilang posisyon o mag-retire upang tuluyang maibalik ang tiwala ng publiko sa korte.

“Disbarment cases must also be filed against those found guilty. In addition, those who were not dismissed from the service should seriously consider early retirement in order to shield the Judiciary from greater harm, “sabi ni Pangilinan.

Nauna rito, inireko­menda ng 3-man panel ng Korte Suprema ang dalawang (2) buwang suspensyon kay Court of Appeals Associate Justice Jose Sabio at reprimand  laban kina Justices Bienvenido Reyes at Conrado Vasquez ha­bang simpleng sermon kay Justice Myrna Dima­ranan-Vidal.

Sabi ni Joson, malaki ang pinsalang naidulot ng iskandalo sa imahe ng CA kaya kulang na nasi­bak lamang si Roxas o nasuspinde si Sabio at napagalitan lamang ang tatlo pa.

Ang mga nabanggit ay naparusahan dahil sa ‘mis­handling’  sa away ng Meralco  at GSIS. (Malou Escudero/Butch Quejada)

Show comments