Pormal nang kinasuhan kahapon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa tanggapan ng Ombudsman si Intramuros Administration chief Maria Ana “Bambi” Harper dahil sa umano’y ilegal na pagputol ng huli sa 13 puno na nasa may Plaza Roma sa Intramuros, Maynila
Kasama sa kinasuhan ni DENR NCR Executive Director Corazon Davis ang contractor ng Intramuros Administration na si Fernando Simburo, ng Greenphil Plant Nursery.
Niliwanag ni Davis na nag-isyu siya ng permit noong Agosto 5 para makapagputol ng puno si Harper na kabibilangan ng 17 puno at ang paglilipat sa ibang lugar ng 9 na narra at 2 mahogany trees, pero ang ginawa ni Harper ay pinutol din nito ang mga puno na pinalilipat lamang ng ibang lugar ng DENR tulad ng narra at mahogany na pinagbabawal na putulin alinsunod Presidential Decree 953.
Nilinaw ng DENR na ang ginawang pamumutol ng mga punongkahoy ng Intramuros Administration noong Agosto 25 ay naisagawa sa pamamagitan ng chainsaw na walang lisensiya o otorisasyon mula sa Community Environment and Natural Resources Office at walang koordinasyon sa DENR-NCR na lumalabas na isang paglabag sa Chainsaw Act. (Angie dela Cruz)