Dalawang kongresista sa Oriental Mindoro at tatlo pang iba ang hinatulan ng guilty ng Sandiganbayan dahil sa umano’y katiwalian.
Sina Oriental Mindoro 2nd District Rep. Alfonso Umali Jr. at 1st District Rep. Rodolfo Valencia ay napatunayang lumabag sa Section 3-E at Section 3-G ng Republic Act 3019 o ang Anti- Graft and Corrupt Practices Act dahil sa maling paggamit ng P2.5 milyong halaga ng public funds noong 1994.
Itinuloy ni Sandiganbayan’s 4th Division chairman Associate Justice Gregory Ong ang pagdinig sa kaso kahit hindi dumalo ang dalawang mambabatas sa isinagawang promulgation sa kaso.
Agad namang naglagak ng tig-P30,000 piyansa ang dalawa, pero pinakansela ni Justice Ong at saka nag-isyu ng warrant of arrest laban sa mga ito.
Gayunman, bibigyan naman sila ng 15 days para isuko ang kanilang sarili at magpaliwanag kung bakit hindi nila sinipot ang kanilang kaso. Nakatakda rin nilang iapela ang hatol
Kasama sa mga hinatulan sina Jose Leynes, Alfredo Atienza at Pedrito Reyes.
Nag-ugat ang kaso noong 1994 nang payagan nina Valencia at Umali na umutang ng P2.5 milyon si Atienza na gagamitin sa “repair, operation, at maintenance” ng kanyang barkong MV Ace na may rutang Calapan, Oriental Mindoro papuntang Batangas at vice versa.
Si Valencia ang Gobernador noon ng probinsiya at si Umali ang Provincial Administrator.
Ang utang ay inaprubahan naman ng provincial board presiding officer na si Pedrito Reyes gayundin ang board members na sina Jose Enriquez at Jose Leynes kahit na ang pondo ay inilaan hindi para sa naturang proyekto ng gobyerno.
Nahaharap sa 6 hanggang 10 taong pagkabilanggo ang mga akusado at hindi rin sila pinapayagan na humawak ng posisyon sa gobyerno.
Samantala, umaasa ang dalawang kongresista na papabor sa kanila ang desisyon oras na maghain sila ng apela.
Gayunman, sinabi ni House Speaker Prospero Nograles na hindi nila mapapatalsik sa Kamara ang dalawang kongresista dahil hindi pa raw pinal ang hatol ng Sandigan bayan.