Suhulan sa CA, Justice Roxas sinibak ng SC!
Sinibak na ng Korte Su prema ang isa sa mga Mahistrado ng Court of Appeals (CA )na sangkot sa suhulan sa Appellate court habang suspindido ang isa at pinagalitan ang tatlo pa.
Sa botong 12-1 sa ginanap na en banc session ng Supreme Court (SC) kahapon, sinibak nito si CA Associate Justice Vicente Roxas na siyang nagponente sa kaso ng Manila Electric Company (Meralco) at Government Service Insurance system (GSIS). Walang matatanggap na anumang benepisyo si Roxas
Pinasususpinde naman sa loob ng dalawang buwan si CA Associate Justice Jose Sabio dahil sa simple misconduct at conduct unbecoming of a CA justice matapos niyang kausapin ang negosyanteng si Francis de Borja at di ipaalam agad kung sino ang nagtangkang manuhol sa kanya.
Samantala pinatawan ng reprimand o pinagalitan sina CA presiding Justice Conrado Vasquez at Associate Justice Bienvenido Reyes.
Admonition naman o pinaalalahanan ng Korte Suprema si Associate Justice Myrna Dimaranan-Vidal dahil sobrang naging sunud-sunuran ito nang pumayag na pumirma agad sa desisyon kahit hindi pa niya nababasa.
Ipinapaubaya naman ng SC sa Bar Confidant ang kaso ni Presidential Commission on Good Government (PCGG) chairman Camilo Sabio dahil sa pakikialam sa nasabing kaso.
Inirekomenda din ng Korte na sampahan ng kaso sa Deparment of Justice (DOJ) ang negosyan teng si de Borja dahil sa pagsisinungaling at panunuhol kay Sabio.
Nag-inhibit naman sa pagboto sina SC Chief Justice Reynato Puno dahil ang anak ni Sabio ay empleyado nito at si Justice Antonio Carpio dahil sa law firm ito dating nagtrabaho kung saan sila ang may-hawak sa kaso ng Meralco.
Samantala, nilinaw naman ni Atty. Midas Marquez, tagapagsalita ng Korte Suprema na maari pa ring umapela sa pamamagitan ng paghahain ng motion for reconsideration (MR) ang mga mahistrado.
Pero habang dinidinig ang MR ay kailangan nilang bakantihin ang kanilang mga puwesto dahil ang ipapalabas na desisyon ng SC ay kailangan agad ipatupad.
Subalit sa sandaliing paburan naman aniya ng SC ang inihaing MR ng mga Mahistrado ay maari na silang bumalik kaagad sa kanilang dating puwesto.
Matatandaan na nagsagawa ng imbestigasyon ang 3-man panel na binuo ng SC upang siyang mag-imbestiga sa umano’y suhulan sa mga mahistrado ng CA kaugnay pa rin sa kaso ng Meralco at GSIS noong Hulyo 23,2008 kung saan si Justice Roxas ang siyang nag ponente nito na pumapabor sa Meralco.
- Latest
- Trending