Itinaas ngayon ng pamahalaan ang patong sa ulo nina Moro Islamic Liberation Front (MILF) Commanders Umbra Kato at Abdulrahman “Bravo” Macapaar sa P20 milyon para sa agad na ikadarakip ng mga ito at mapanagot sa kanilang mga krimen.
Sina Kato at Bravo ay kapwa nahaharap sa kasong multiple murder, arson, illegal detention at robbery in band dahil sa sunud-sunod na pagsalakay sa mga bayan sa Mindanao na ikinasawi ng maraming inosenteng sibilyan.
Bukod dito, inihayag rin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno ang pagbibigay ng P5 milyong “reward money” para naman sa ikadarakip ng isang pang commander ng MILF na si Aleen Sulayman Pangalian na tumulong sa dalawa sa pagsalakay sa mga barangay sa North Cotabato at Lanao del Norte.
Nagpalabas rin ng P1.7 milyon ang pamahalaan para sa ikadarakip ng mga suspek na nagpasabog ng isang bus sa Digos city sa Davao del Sur nitong Setyembre 1 na ikinasawi ng anim katao at ikinasugat ng 27 pa.
Nasa P500,000 ang patong sa ulo ng suspek na si Salahudin Hassan, alyas “Sudz”; habang tig-P400,000 naman ang ibibigay sa makapagtuturo kina Addulmalik Sali, alyas “Dindo”; Tahir Abubakas, alyas “Jerome” at Junaira Minbida, alyas “Bay”.
Nagpakalat na rin ng dagdag na 3,500 pulis buhat sa Police National Training Institute sa mga barangay sa North Cotabato, Lanao del Norte at iba pang lugar na posibleng atakihin ng MILF. Tinatayang dagdag na 30 pulis ang maitatalaga sa bawat bayan.