40 pulis kinasuhan ng multiple murder
Sinampahan kahapon ng kasong multiple murder sa Department of Justice ang 40 pulis na miyembro ng Task Force RCBC kaugnay ng pagkakapaslang sa ilang suspek sa panghoholdap at pagpatay sa 10 emleyado ng isang sangay ng Rizal Commercial Banking Corporation sa Cabuyao, Laguna.
Naghain ng naturang demanda ang abogado ng mga kamag-anak ng mga suspek na napatay ng pulisya sa Tanauan, Batangas.
Kabilang sa ikinakatawan ni Atty. Harry Roque sa isinampa niyang demanda si Olivia Javier, asawa ng isa sa mga suspek na si Vicencio Javier.
Ilan sa idinemanda sina Police Superintendents Gilbert Sauro, David Quimio at Omega Jireh Fidel.
Base sa record, Sina Javier, Angelito Malabanan at Rolando Lachica ay kabilang sa mga nangholdap sa RCBC noong Mayo 16,2008 at pumatay sa mga empleyado ng banko.
Sa follow-up operations, natunton umano ng mga pulis ang pinagtataguan ng mga suspek sa Barangay Pagaspas, Tanauan City noong Mayo 22 kung saan nanlaban umano at nakipag barilan sa mga miyembro ng Task Force RCBC ang tatlong biktima kaya napatay ang mga ito.
Taliwas naman ito sa pahayag ng mga kamag-anak ng mga suspek na hindi nanlaban ang mga ito pero pinagbabaril pa rin ng pulisya at napagbintangan lamang na kasama sa mga suspek sa RCBC massacre.
Pinagbasehan ni Roque sa kaso ang deklarasyon ng Commission on Human Right na rubout ang sinasabing pagkakapatay sa mga suspek.
- Latest
- Trending