DepEd execs igigisa
Nakatakdang ipatawag sa Senado ang mga opisyal ng Department of Education upang humarap sa isang imbestigasyon sa nabunyag na P150 milyon extra duty allowance na pinagpasasaan umano ng ilang opisyal ng DepEd.
Ibinibigay ang extra duty allowances sa mga opisyal ng DepEd na dumadalo sa mga seminar at training pero nadiskubreng pinaghahatian lamang sa mahabang panahon.
Bawat dumadalo sa isang seminar o training ay binibigyan ng P15,000 extra duty allowances pero ginagawa lamang umanong raket sa pamamagitan ng walang katapusang pagpapaiskedyul ng mga training seminars.
Ayon kay Senador Miriam Defensor Santiago na humiling ng imbestigasyon, halos walong beses sa isang linggo kung magpatawag ng training seminars ang mga opisyal ng DepEd bagaman opening at closing remark lang ang nagagawa.
Inihalimbawa pa ni Santiago na ang isang ordinaryong empleyado sa DepEd o casual employees na P6,000 lamang ang buwanang sahod ay halos kumukolekta ng P72,000 kada lingggo matapos magsilbing secretariat staff sa tatlong training seminar. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending