PSN pinarangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino

Pinarangalan kahapon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Gawad Dangal sa Wikang Filipino ang Pilipino Star NGAYON dahil sa malaking kontri­busyon nito sa pagpapayaman ng wikang pambansa.

Ayon kay Dr. Ricardo Duran Nolasco, taga­pangulo ng komisyon, pinili ang PSN sa hanay ng mga paha­yagang Filipino dahil sa malinis na estilo nito sa pama­mahayag at paggamit ng wikang pambansa sa wastong paraan. Ang awarding ay ginanap sa Philippine Columbian Association sa Plaza Dilao, Paco, Manila.

Sa ngalan ng CEO ng Pilipino Star NGAYON na si Miguel Belmonte, ang plake ng parangal ay tinanggap ni Al Pedroche, punong patnugot ng pahayagan. Ang PSN ang tanging insti­tus­yong pinarangalan sa okasyon.

Samantala, ang mga indibidwal na tumang­gap din ng Gawad ay sina Edukador Alberto Macob sa naiam­bag sa pagpapalaganap ng Wika sa Region I; Ang kuwentista at makatang si Reuel Molina Aguila dahil sa tagumpay niya sa propesyon sa nakalipas na 3 de­kada at Judge Hermin E. Arceo, sa naiambag niya sa pagpa­payabong sa wika bilang Hukom, manunulat at publisher.

Bukod kay Chairman Nolasco, ang Komisyon sa Wikang Filipino ay binubuo rin ni Jose Laderas Santos, Carmelita Abdurahman na kapwa full-time commissioner; Ismael Tomawis, Isabel Martin, Romeo Dizon, Fe Hidalgo, Concepcio Luis at Antonio Tamayo na pawang part-time commissioner.

Show comments