Libreng serbisyo sa gov’t employees alok ng GELAC
Dahilan sa dumaraming mga suliraning legal na kinakaharap ng mga kawani ng gobyerno, isang grupo ng mga abugado na naglalayon na magbigay ng libreng serbisyong legal sa mga kawani ng pamahalaan ang itinatag upang ipaglaban ang karapatan ng mga ito.
Ayon kay Atty. Albert M. Velasco, founding member ng Government Employees Legal Action Center (GELAC), layunin ng kanilang grupo ang magbigay ng libreng serbisyong legal sa mga kawani ng gobyerno partikular sa kanilang suliranin sa Government Service Insurance System [GSIS].
Ito ay dahil sa maraming empleyado ng gobyerno ang nahaharap sa usaping legal na walang kakayanang magbayad para sa serbisyo ng isang abugado na magtatanggol sa kanilang karapatan.
Ayon kay Velasco, ang GELAC ay kaagapay at magiging sandalan ng mga kawani ng pamahalaan hindi lamang sa kanilang mga suliranin sa GSIS ngunit sa lahat ng aspetong legal na may kinalaman sa kanilang mga benepisyo.
Ayon naman sa grupo ng mga guro, “malaking tulong ang GELAC para ipagtanggol ang aming mga karapatan na matagal ng nayuyurakan partikular sa aming mga benepisyo sa GSIS.”
Tinatayang 40% ng GSIS members ay pawang mga public school teachers. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending