Ilaga pinadidisarmahan

Hiniling ng militanteng grupong Anakpawis sa pamahalaan na agarang disarmahan ang vigilante group na Reform Ilaga Movement dahil ang natu­rang grupo ay maaari uma­nong magdulot la­mang ng pagtindi pa ng kaguluhan sa Mindanao.

Ayon kay Anakpawis party-list Rep. Rafael Ma­riano, ang revival ng natu­rang grupo ay magbubun­sod lamang ng pagbuhay sa mga pagkakasangkot nito sa mga pang-aabuso tulad ng ginawa noong 1970s na naging daan ng malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Anya, ang naturang grupo din ay magiging ba­lakid sa peace negotiations na ginagawa sa pa­gitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Nangangamba rin si Cotabato Archbishop Orlando Quevedo sa posi­bleng pagsiklab ng civil war sa ilang lalawigan sa Min­danao kasunod ng banta ng Ilaga na handa na ang ka­nilang pwersa upang la­banan ang MILF na uma­take sa North Cotabato.

Ang Ilaga group ay sinasabing aktibo ngayon na may 10-libong kasapi at handa umano anu­mang oras na ipagtanggol ang mga Kristiyano ma­ging ang Muslim na apek­tado rin sa pag-atake ng MILF.

Sinabi naman ni Executive Secretary Eduar­do Ermita na walang basbas ng Malacañang ang Ilaga group dahil ang awtorisado lamang ng gobyerno ay mga deputized para-military group tulad ng Civilian Volunteers Organization kaya kung sakaling mag­pa­tuloy ang Ilaga sa ka­nilang adhikain ay pu­wede silang makasuhan.

Pero ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, kahit na nagbanta ang Ilaga na papatay sila ng 10 rebelde sa tuwing may mapapatay na isang sibil­yan ang MILF ay wala pa rin umano itong nila­labag na batas.

Hndi pa anya maaaring kasuhan ang naturang grupo dahil pawang pag­babanta pa lamang ang ginagawa ng mga ito.

Iginiit naman ni DOJ Undersecretary Ricardo Blancaflor na hindi pina­pa­­yagan ng batas na ilagay sa kamay ng sinu­man ang hustisya dahil may mga nakatalagang awtoridad upang magpa­tu­pad nito.

Iginiit din nito na hindi pinagbabawalan ng gob­yerno ang pagbuo ng anu­mang grupo kung ang mga ito ay mananatiling payapa at hindi magha­hasik ng karahasan.

Maaari lang umanong lumaban ang naturang grupo sa MILF kung sasa­lakayin ng mga rebelde ang kanilang bayan at kinaka­ilangan nilang ipag­tanggol ang kanilang mga sarili.  

Nabatid na ang Ilaga ay pinamunuan din ng convicted Italian priest killer na si Roberto Ma­nero. Siya ang sumunod na lider mula sa founder nitong si Feli­ciano Luces alyas “Toothpick” na uma­take sa isang Muslim village sa Cotabato noong 1970. (May ulat nina Ludy Bermudo, Rudy Andal at Gemma Garcia)

 

Show comments