Tiwala si Department of Education Secretary Jesli Lapus na madadagdagan ang sahod ng mga guro at non-teaching personnel matapos ang napipintong pagpasa ng Kongreso ng batas para rito.
Ayon kay Lapus, siniguro sa kanya ni Speaker Prospero Nograles at incoming House Appropriate Committee Chairman Junie Cua na pagtutuunan ng pansin sa susunod na linggo ang pagpasa sa P9,000 taas ng sahod ng mga guro sa loob ng tatlong taon.
Sa kasalukuyan, ang sahod ng isang public school teacher ay umaabot sa P12,000 kada buwan at karagdagang P2,500 bilang compensation at allowances. Kung madadagdagan ito ng P3,000 kada taon ay isang napakala-king bagay ito sa mga guro.
Naipasa na sa 3rd reading ang Senate bill no. 2408 na nagpapanukala ng pagbibigay ng dagdag sahod sa mga public school teachers.
Ang counterpart nitong House bill no. 4743 ay nakatakda namang dinggin sa susunod na linggo at inaasahan ni Lapus na bago ang recess ng Kongreso sa Oktubre 11, 2008 ay ganap na itong isang batas. (Edwin Balasa)