M’cañang, hugas-kamay sa pagkakabokya ng ‘Pinas sa Olympics
Naghugas-kamay na ang Malacañang sa pagkakabokya ng Pilipinas sa Beijing Olympics sa gitna ng mga akusasyon na mahina ang naging preparasyon ng mga manlalaro at nahaluan din ito ng pulitika kaya walang naiuwing medalya sa bansa.
Ayon kay Deputy Presidential spokesman Anthony Golez Jr., hindi dapat sisihin ang gobyerno kung wala mang naiuwing medalya mula sa Olympics ang mga manlalaro.
Sinabi ni Golez na kumpara sa mga atleta sa ibang bansa, mas maagang nagsimula ang mga ito at nagkaroon pa ng mga international expo sure.
“Sa panahong ito parang sinabi mo ‘pag natalo si Pacquiao sisihin mo ang coach. Ang atleta natin nagsumikap at naghirap sa Olympics. Ang pinakaimportante sa lahat ang development ng atleta nang bata pa … Si Michael Phelps started training at age 8,” ani Golez.
Sinabi pa ni Golez na nakahanda naman ang Malacañang na magsulong ng batas para sa pagbuo ng isang national pool ng mga atleta na magsisimulang mag-training ng mula 5-6 taong gulang.
Maliban pa aniya sa maagang training, dapat lumahok rin sa mga international competitions ang mga atleta ng Pilipinas.
Hindi naman kinagat ni Golez ang isinusulong ng ilan na itigil na ang pagpapadala ng atleta sa Olympics. Ang importante aniya ay nakikisalamu-ha ang bansa sa mga pandaigdig na paligsahan katulad ng Olympics. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending