Dahil imposible pa ring bumaba ng tuluyan ang presyo ng mga produktong petrolyo, isang panukalang batas ang isinusulong ngayon sa Senado na naglalayong ihalo sa diesel ang mga pinaglutuang mantika o cooking oil upang ilagay sa patrol cars ng mga pulis.
Iginiit sa Senate Resolution 550 na dapat pag-aralan ng Senate Committees on Public Order and Illegal Drugs at Energy ang paggamit ng pinaghalong cooking-oil at diesel sa lahat ng patrol cars ng mga pulis sa bansa at sa iba pang ahensiya ng gobyerno.
Nakasaad sa resolusyon na dapat lamang mag-isip ng ibang paraan ang gobyerno upang mabawasan ang gastos sa gitna nang mataas pa ring presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa Makati City ay nagagamit na ng mga patrol cars ng mga pulis ang pinaghalong cooking oil at diesel bilang alternatibong krudo.
Base umano sa pag-aaral sa Makati, aabot sa P500,000 o kalahating milyon ang matitipid ng gobyerno sa isang taon dahil sa pinaghalong cooking oil at diesel.
Nagtayo na rin ang PNP-Bio Diesel Program ng isang mini-plant o refinery na nagsasala ng mga gamit na cooking oil upang matanggal ang tubig at pagkain na nakahalo dito.
Ang nasalang mantika ay isinasailalim sa cold process sa loob ng walong oras at saka ito inihahalo sa diesel sa pamamagitan ng 40-60 ratio at nagagamit na sa mga sasakyan.
Ilang fast food chains na rin ang nag-boluntaryo na magdo-donate ng kanilang nagamit na vegetable oils para ihalo sa diesel.