Hindi na muna makikipag-usap ang gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) hangga’t hindi isinusuko ng rebeldeng grupo ang dalawang ground commander nito na patraydor na naghasik ng pag-atake sa tatlong lalawigan sa Mindanao.
Sa kanyang mensahe sa 2nd Philippine International Motor Show sa World Trade Center sa Pasay City, sinabi ni Pangulong Arroyo na ang layunin ng pamahalaan sa pagpasok sa peace talks ay upang tuluyang mawakasan ang “armed struggle” kaya bago ito muling pumasok sa anumang peace negotiations sa MILF o New People’s Army (NPA) ay dapat ibaba muna ng anumang grupo ang kanilang armas.
“We are not at war with the Muslim community. Engagements with all armed groups shall be about disarmament, demobilization and rehabilitation,” wika pa ni PGMA.
Magbabalik lamang ang government panel sa peace negotiating table sa MILF kapag isinurender nito sina Kumander Bravo at Kumander Kato na responsable sa pag-atake at pagpaslang sa mga inosenteng sibilyan sa North Cotobato, Lanao del Norte at Saranggani.
“We cannot make peace at the expense of the people who have been massacred. The responsible people should answer to the law. Sincerity will not be shown unless they surrender to government the 2 base commanders,” pahayag naman ni Press Secretary Jesus Dureza.
Sinabi ni Dureza na hindi isinasara ng gobyerno ang pintuan para sa peace process sa MILF dahil hangad pa rin ng pamahalaan na makamit ang kapayapaan sa Mindanao.
Subalit, hindi naman anya pipirma ang gobyerno sa anumang kasunduan sa isang organisasyon na wala namang control sa kanilang mga field commanders.