Umaasa ang Comelec na maipoproklama ngayong araw ang mga nanalong kandidato sa katatapos na automated elections sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, kahapon pa lamang ng umaga ay umaabot na sa 84 porsyento ng mga boto ang natapos nang bilangin ng ARMM Board of Canvassers.
Bunsod nito, malaki aniya ang posibilidad na bago mag-5:00 ng hapon ngayong araw ay maiproklama na ang mga nagwaging kandidato sa kauna-unahang automated election sa bansa.
Paliwanag ni Melo, kinakailangan umanong 100 porsyento munang matapos ang bilangan dahil iyon ang nakaprograma sa mga machine bago ito magpalabas ng certificate of canvass and proclamation.
Bagamat kuntento naman sila sa naganap na halalan ay nababagalan naman sila sa bilangan.
Samantala, bagamat kamakalawa pa lamang ng hapon ay nagsimula nang mai-transmit ang mga boto sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila ay tumanggi naman ang Comelec na magpalabas ng partial results nito upang maiwasan umano ang pagkakaroon ng “trending.” (Doris Franche)