Dahil sa sunod-sunod na pag-atake at pama maslang sa mga miyembro ng media sa bansa, hinamon ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) na arestuhin at ipakulong ang utak ng mga pamamaslang sa mga mamamahayag.
Ang hakbang ay sinabi ni Jose Torres Jr., chairman ng NUJP, sa harap na rin ng pananambang at pagpaslang sa pinakahuling biktima na si RMN anchorman Martin Roxas at tangkang pagpatay kay Dennis Cuesta ng RMN sa General Santos City.
Sinabi ni Torres na bagamat may mga suspek na hawak ang pulisya sa mga sinasabing pumatay kay Roxas, dapat ay alamin ng mga awtoridad ang utak ng naturang krimen.
Si Cuesta naman ay patuloy na isinasalba ang buhay sa isang pagamutan makaraan ang pag-atake dito noong nakaraang Lunes.
Una rito, nangako ang pamunuan ng PNP na gagawin ang lahat upang mabigyan ng katarungan ang naturang krimen. (Angie dela Cruz)