Nagkainitan ang mga mahistrado ng Court of Appeals (CA) sa pagpapatuloy ng pagdinig ng binuong panel ng Supreme Court (SC) tungkol sa isyu ng suhulan sa nasabing korte.
Ito’y matapos na simulan nang isalang ng panel sa witness stand ang mga Justices na idinadawit sa bribery scandal at isailalim sa cross examination.
Dahil walang mga abogado, naging direktahan ang pagtatanong ng mga mahistradong inaakusahan at nag-aakusa sa isat-isa na madalas na nauuwi sa personalan.
Unang sumalang sa witness stand si CA Justice Jose Sabio na agad na isinailalim sa cross examination ng mahistradong inaakusahan niya ng iregularidad na si Justice Vicente Roxas.
Halos magkapikunan ang dalawa nang banggitin ni Sabio na tanging si Roxas lamang ang personal na nagbibitbit ng mga rollo ng kaso sa halip na ipagkatiwala ito sa kanyang staff.
Nagkainitan rin sa cross examination sina Sabio at Justice Edgardo Cruz na naging dahilan para pagsabihan na sila ni retired SC Justice Romeo Callejo, miyembro ng panel, na maging sibil sa isat-isa.
Ipinaalala pa ni Callejo na pare-pareho silang mga mahistrado ng CA kung kayat dapat silang magrespetuhan dahil kahit na ang mga karaniwang testigo at abogado sa kailangang magbigay galang sa isat-isa sa panahon ng mga pagdinig. (Gemma Amargo-Garcia)