Hindi pa isang batas ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) at hindi rin isang kontrata na kailangan nang ipatupad kaya walang dapat ikabahala.
Ito ang ginawang paglilinaw ni Misamis Occidental Gov. Leo Ocampos sa pangamba ng ilan tungkol sa kontrobersiyal na GRP-MILF MOA.
Ipinaliwanag ni Ocampos, national president ng League of Provinces of the Philippines, ang MOA ay isa lamang kapirasong papael na kailangan pang aprubahan ng Kongreso at ng pagbabago sa Konstitusyon para maipatupad.
“A public debate is also a healthy avenue for better understanding of the MOA,” sabi ni Ocampos.
Nanawagan din si Ocampos sa GRP at MILF na ilantad sa publiko ang mga nakapaloob sa MOA dahil naniniwala ito na maraming good points dito gaya ng economic gains kaysa pulitika.
Sinabi naman ni Lanao del Norte Congressman Bobby Dimaporo na walang dapat ipangamba sa kontrobersyal na MOA dahil ang layunin nito ay makamit ang kapayapaan sa Mindanao.
“Isa lamang adyenda sa negosasyong pangkapayapaan ang MOA na inaasahang maisasakatuparan sa loob ng 12 buwan. Kaya nga nandyan ang lahat ng gusto ng MILF dahil ito ang punto ng usapan,” sabi ni Dimaporo sa isang panayam.
Bukod dito, ayon pa sa kanya, kailangan munang dumaan sa plebisito ang MOA dahil ito ang nakasaad sa batas ng Autonomous Region for Muslim Mindanao. (Butch Quejada)