‘Di done deal - M’cañang

Iginiit ng Malacañang na hindi maituturing na “done deal” ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil hindi naman natuloy ang pirmahan sa Kuala Lumpur, Malaysia. 

Ito ang nilinaw ni Chief Presidential Legal Counsel Sergio Apostol kaugnay sa pahayag ni MILF vice-chairman for political affairs Ghadzali Jaafar na itinuturing ng MILF na “done deal” na ang MOA matapos lagyan ng “initial” ng magkabilang-panig noong July 27 ang draft agreement at ang hindi natuloy na pirmahan noong Martes ay “formality” na lamang.

Ayon kay Apostol, hihintayin muna ng Palasyo ang anumang magiging desisyon ng SC sa petisyon ni North Cotobato Vice-Gov. Emmanuel Pinol na kumuku­ wes­tyon sa Bangsamoro Juridical Entity (BJE) at pag­papalawak ng sakop ng ARMM sa usapin ng ancestral domain. 

Aniya, sakaling hindi matuloy ang MOA dahil na rin sa pag-iral ng temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng Korte Suprema ay mayroong “back up plan” ang pamahalaan. (Rudy Andal)

Show comments