Rubout! - CHR
Hindi umano shootout kundi rubout ang naganap sa mga suspek sa RCBC massacre na nagresulta sa pagkamatay nina Pepito Magsino, Vivencio Javier, Angelito Malabanan at Rolando Lachica.
Ito ang lumabas sa resolusyon ng pamunuan ng Commission on Human Rights (CHR) kaugnay ng isinagawang fact-finding investigation sa insidente sa Tanauan, Batangas na kumitil sa buhay ng mga suspek.
Dahil dito, inirekomenda ng CHR na magsasagawa sila ng joint public hearing katuwang ang human rights committee ng Mababang Kaplungan ng Kongreso.
Gayundin ay itutuloy ng CHR ang mga public hearing at bibigyang pansin ang pananagutan ng mga opisyal ng provincial at regional PNP sa ilalim ng prinsipyo ng command responsibility.
Hihilingin din ng CHR kay PNP Chief Avelino Razon Jr. na suspindihin muna o tanggalin sa pwesto ang mga tauhan ng pulisya na nasasangkot sa insidente at ipatatawag nila ang mga testigo para makapanumpa ng kanilang mga pahayag na kakailanganin sa pagdinig.
Sinabi pa ng CHR na isasailalim nila sa ebalwasyon ang usapin ng posibleng financial assistance para sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga biktima.
Nakasaad pa sa resolusyon ng CHR na tulungan ang mga kaanak ng mga biktima na mabigyan ng libreng legal assistance para makapagsampa ng kaukulang mga kaso sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno laban sa mga nasasangkot sa naganap na insidente. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending