Ipinalabas kahapon ng Supreme Court ang isang temporary restraining order na pumipigil sa paglagda sa memorandum of agreement ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front na magpa palawak sa teritoryo ng mga minoryang Muslim sa Mindanao.
Ginawa ng Mataas na Hukuman ang hakbang kasunod ng banta ng mga Kristiyano sa Mindanao na magdaraos sila ng malawakang kilos-protesta tulad ng people power para hadlangan ang kasunduan.
Sinabi ng tagapagsalita ng Mataas na Hukuman na si Midas Marquez na unanimous ang naging desisyon ng mga mahistrado pagkatapos ng kanilang en banc session kahapon.
Itinakda ang oral argument sa kaso sa Agosto 15.
Kabilang sa humingi ng TRO sina North Cotabato Governor Jesus Sacdalan, Vice Governor Emmanuel Piñol, Zamboanga City Mayor Celso Lobregat, Rep. Ma. Isabelle Climaco ng 1st district ng Zamboanga at Erico Basilio Fabion ng ikalawang distrito.
Libu-libong mga residente at opisyal ng Zamboanga ang nagsipagprotesta laban sa MOA kahapon.
Sa panayam kay Zamboanga City Police Chief Sr. Supt. Lurimer Detran, tinatayang aabot sa 8,000 hanggang 10,000 katao ang nakilahok sa kilos protesta sa lungsod bago magtanghali.
Marami ring mga tindahan at ibang negosyo ang nagsara para makiisa sa kilos-protesta.
Tinututulan ng mga residente ng Zamboanga Peninsula na mapabilang ang ilan nilang mga barangay sa pinalawak na Bangsamoro Juridical
Takda sanang magtungo ngayong Martes sa Malaysia ang mga negosyador ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front para lagdaan ang kasunduan na tutukoy sa teritoryong hahawakan ng MILF.
Sa kasunduan, may isasamang 712 barangay para palawakin ang sakop ng autonomous region bagaman kailangan itong idaan sa plebesito.
Tinutulan naman ito ng mga katolikong pulitiko dahil magpapasiklab anila ito sa panibagong sectarian violence o away ng iba’t ibang sektor. Idinagdag nila na haharangin nila ang plano ng pamahalaan na mapagtibay ang kasunduan.
Ilang senador ang nagbabala na, sa halip na kapayapaan ang idudulot ng kasunduan, posibleng pag-ugatan pa ito ng pagdanak ng dugo at People Power sa Mindanao. (Gemma Garcia, Joy Cantos, Rudy Andal at Malou Escudero)