‘Ingat sa iridology’- DOH
Pinayuhan kahapon ng Department of Health ang publiko na mag-ingat sa mga iri dology dahil hindi ito isang diagnostic tool o therapeutic modality bilang kapalit ng medisina.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, walang scientific validation para sa paggamit ng iridology at wala rin itong matibay na ebidensya na maari itong makagamot ng mga sakit.
Iginiit pa ng Kalihim na walang basehan ang sinasabi ng mga iridologist na maaring ma-diagnose ang ibat-ibang sakit sa isang tao tulad ng ginagawa ng mga ito sa pag-eksamin sa iris ng isang tao o sa pamamagitan ng litrato.
Matapos ang eksamin ng mga iridologist ay hinihikayat ng mga ito na bumili ng herbal ang kanilang mga pasyente upang mapigilan ang problema subalit maaari din umano itong magkaroon ng malaking epekto sa kalusugan ng isang tao kapag hindi naman kailangang gumamit ng herbal medicine.
Ang paalala ng kalihim ay bilang paggunita sa Sight Saving Month ngayong Agosto. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending