Teves sasabit sa baboy scam
Naniniwala si Sen. Alan Peter Cayetano na sasabit sa P750 milyong swine scam si Finance Secretary Margarito Teves pati ang board of directors ng Land Bank of the Philippines (LBP) dahil sa pag-apruba nila sa P100 milyong arranger’s fee at P14 milyon na attorney’s fee.
Bukod kay Teves, posibleng masangkot din sa swine scam ang mga miyembro ng board of directors na sina Gilda Pico, Agriculture Sec. Arthur Yap, Agrarian Reform Sec. Nasser Pangandaman, Labor Sec. Marianito Roque, George Regalado, Albert Balingit, Ombre Hamsirani at Raymundo Roquero.
Iniimbestigahan ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Cayetano ang multi-milyong swine scam ng Quedan and Rural Credit Corporation (Quedancor) matapos matuklasan ng Commission on Audit (COA) na “unaccountable” ang mahigit P748 milyong pautang noong Disyembre 31, 2005.
Sumabit din sa kontrobersya si Atty. Jose Nograles na vice-president ng LBP at kapatid ni House Speaker Prospero Nograles na hinihinalang kumita ng P100 milyong arrenger’s fee sa naturang transaksyon.
Aniya, normal sa banking industry na kumita ang sinumang nagsiayos ng isang loan agreement.
“Kung may nangungutang sa isang private bank at hindi ka makautang, may isang tao na gagawa ng paraan upang makopo ng nangungutang ang pondong inuutang niya. Ikaw ang magsisilbing tagaayos upang magkita ang nangungutang at bangko kaya sisingil ka ng arrenger’s fee. Pero sa private transactions lamang ito dapat mangyayari at hindi sa government to government transactions,” paliwanag pa ni Cayetano. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending