Bitin pa rin si Finance Secretary Margarito Teves kahit na may paglago ang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ngayong taon.
Sinabi ni Teves, mahusay na ang 12.2 percent collection growth na naitala ng BIR bagama’t may iba pang mga lugar na dapat tutukan upang higit na mapalaki ang koleksyon mula sa pagbubuwis ng ahensiya.
Kaugnay nito, kinilala naman ng BIR ang ilang mga pribadong korporasyon at ahensiya ng gobyerno na nangunguna sa pagbabayad ng buwis kabilang ang Panasonic Phils., Purefoods Hormel, San Miguel mills, CNSA Phils, Proctor and Gamble, Bureau of Treasury, Bangko Sentral ng Pilipinas, PNP Region 7, DPWH Region 6 at PDIC Region 8.
Sa mga indibidwal naman ay kasama sa limang nangungunang tax payer ang actress-host na si Kris Aquino. (Angie dela Cruz)