15% discount sa single parents
Kung may natatanggap na 20% discount ang mga senior citizens, isang panukalang batas ang isinusulong naman sa Senado na naglalayong bigyan ng 10 hanggang 15 porsiyentong discount ang mga single parents.
Sa Senate Bill 2431, ang mga ‘solo parent’ ay ang mga magulang na naiwang mag-isa para palakihin ang kanilang mga anak dahil ang kanilang asawa ay namatay na, nabilanggo, nasiraan ng ulo, legal separation o annulment.
Ituturing ding solo parent ang mga babae na nabuntis dahil sa pang-aabuso.
Bagaman at umiiral na ang Republic Act No. 8972 o Solo Parent’s Welfare Act kung saan nagbibigay ng assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga magulang na nag-iisang magpalaki sa kanilang anak, nakasaad sa panukala na hindi naman sapat ito kaya dapat maisabatas ang pagbibigay sa kanila ng discount sa gitna nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa sandaling maging isang ganap na batas, aamyendahan ang RA 8972 upang ang mga solo parent ay bibigyan ng 10% discount sa pagbili ng damit at mga clothing materials ng kanilang anak sa loob ng dalawang taon simula nang ito ay ipanganak.
Labing-limang porsiyentong discount (15%) naman ang ibibigay sa pagbili ng gatas, pagkain at mga food supplements, gamot, at medical supplies ng bata.
Nakasaad sa panukala na dapat lamang na tulungan ng gobyerno ang mga solo parents upang masigurado na mapapalaki ng maayos ang kanilang mga anak.
Ituturing ding solo parent ang sinumang miyembro ng pamilya na ginagawa ang responsibilidad ng ‘head of the family’ dahil sa pagkamatay o abandonment ng magulang.
Nakasaad din sa panukala na dapat bigyan ng pitong araw na parental leave bawat taon ang mga solo parent employee na nakapagsilbi na ng isang taon sa kompanya kung saan babayaran pa rin sila kahit sila ay nakabakasyon.
- Latest
- Trending