22 foreign observers dadagsa sa ARMM polls
Umaabot sa 22 foreign observers mula sa pitong bansa ang magsasagawa ng kanilang obserbasyon sa halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Agosto 11.
Ayon kay Ambassador Henrietta T. de Villa, chairperson ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting-National Movement for Free Election (PPCRV-Namfrel), ikakalat ang mga foreign observers sa iba’t ibang lugar sa ARMM kabilang na ang Maguindanao, Shariff Kabunsuan, Basilan, Sulu, Tawi-tawi, Lanao del Su at Marawi City upang tingnan kung paanong isinasagawa ang halalan dito.
Tiniyak din ni de Villa na mabibigyan ng sapat na security ang mga foreign observers upang maiwasan ang anumang insidente tulad ng kidnapping.
Samantala sinabi ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr. na tuloy ang kanilang preparasyon para sa deployment ng mahigit sa 4,000 pulis sa buong rehiyon ng ARMM.
Inihayag ni Razon na may mga natukoy na silang mga “hot spot” sa ARMM na siyang mahigpit na babantayan ng ipakakalat na mga pulis sa tulong ng mga sundalo na siyang mangangalaga sa seguridad ng halalan.
Naniniwala si Razon na matutuloy ang pagdaraos ng eleksyon sa ARMM lalo pa nga’t maraming mga Senador ang tutol sa pagpapaliban nito .
Hinggil naman sa seguridad ng mediamen na magko-cover sa eleksyon sa ARMM, sinabi ni Razon na kailangan lamang ay makipagkoordinasyon ang mga ito sa mga awtoridad upang mabigyan ng proteksyon. (Doris Franche/Joy Cantos)
- Latest
- Trending