Hudikatura pinasok na ng korupsiyon
Nababahala si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. sa nabunyag na umano’y suhulan sa Court of Appeals dahil lumalabas aniya na mataas na ang korupsiyon sa hudikatura at nasa “door step” o pintuan na ito ng Supreme Court.
Ayon kay Pimentel, dapat na kumilos agad ang SC upang maresolba ang naturang problema sa CA kaugnay sa ibinunyag ni Justice Jose Sabio na tangkang panunuhol sa kanya ng P10 milyon ni Francis Roa de Borja kapalit umano ang pag-inhibit sa kaso ng Meralco at GSIS.
“Ang sama ng sitwasyon sa ating judicial system…ang sama ng dating sa taongbayan, right at the door step na ng SC ito eh,” sabi ni Pimentel.
Matapos ibunyag ni Sabio ang sinasabing tangkang panunuhol sa kanya, lumantad sa publiko si de Borja kung saan ito naman ang nag-akusa sa una na nagpresyo umano ng P50 milyon para maayos ang kaso.
Nilinaw ni Pimentel na kung talagang may mapapatunayang tumatanggap ng suhol sa CA, nahaharap ang mga ito sa ordinaryong ‘criminal prosecution’.
Posible rin aniya na ibigay na lamang sa ibang dibisyon ang kaso upang mawala ang intriga.
Inamin ni Pimentel na nagugulat siya sa mga ulat na nagkakaroon rin ng korupsiyon sa Court of Appeals sa Cebu pero mas nakakagulat aniya na umabot na ito sa Maynila.
Maliwanag aniya na ang korupsiyon ay nangyayari kahit saang dako ng Pilipinas at nalalagay sa masamang sitwasyon ang hudikatura.
Sa Martes ay sisimulan na ng Korte Suprema na talakayin ang umano’y suhulan sa mga mahistrado ng CA.
Nag-ugat ang kontrobersiyal sa CA matapos na ibunyag ni 9th division Associate Justice Jose Sabio sa kanyang liham kay Presiding Justice Conrado Vasquez noong Hulyo 26 na mayroong isang negosyante ang nagtangkang mamagitan sa kaso ng Meralco at GSIS sa pamamagitan ng pag-aalok dito ng halagang P10milyon upang ipasa ang kaso kay 8th division Associate Justice Bienvenido Reyes. (May ulat ni Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending