Utol ni Speaker Nograles isinabit sa swine scam
Nabunyag kahapon sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee at Agriculture and Food ang nangyaring “pambababoy” sa “swine fund” o pondo ng baboy kung saan sumabit din ang pangalan ng kapatid ni Speaker Prospero Nograles na si Atty. Jose Nograles.
Lumabas sa pagdinig na si Atty. Nograles na nagtrabaho sa “Trust department” ng Landbank of the Philippines ay nakinabang din umano sa pondo ng baboy dahil naningil ito ng P14 milyong attorney’s fee para sa paglagda niya bilang testigo sa lending form ng Quendancor.
Base sa orihinal na akusasyon ni Atty. Harry Roque na pinagbasehan ng resolusyon ni Sen. Jamby Madrigal, noong 2004, ang Quendancor o Quendan and Rural Credit Guarantee Corp. ay umutang ng P3 bilyon mula sa Land Bank.
Ang P3 bilyon ay bahagi ng P5 bilyon swine program ng gobyerno kung saan ang mga magsasaka na gustong lumipat sa pag-aalaga ng baboy ay dapat makakatanggap ng subsidy.
Sinabi ni Roque na ang pondo ay hindi natanggap ng mga magsasaka dahil ang pondo ay na-divert sa 2004 presidential elections.
Hanggang kahapon ay hindi nakapagpakita ng listahan ang Quedancor kung sino ang mga magsasaka na nabiyayaan ng pondo ng baboy.
Lumabas din sa pagdinig na maliban pa sa kuwestiyonableng P14 milyon na attorney’s fee ni Nograles, nag-hire din ng consultancy firm na ONL Consultants na siyang nag-facilitate ng loan.
Umabot umano sa mahigit na P300 milyon ang ibinayad sa legal fees, agency fees, arranger’s fees, consultacy fees at iba pa.
Ayon kay Madrigal maliwanag na mayroong nangyayaring pattern sa mga anomalya sa gobyerno kung saan ang nasabing pondo sa baboy ay ginamit umano noong 2004 presidential elections samantalang ang fertilizer scam naman ay pinaniniwalaang ginamit sa nakaraang senatorial elections na ipinondo sa mga kandidato ng administrasyon. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending