Pulis pwedeng mag-sideline
Puwede ng mag-sideline ang mga pulis tuwing off duty ang mga ito, alinsunod na rin sa pagpayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Avelino Razon Jr. dahil na rin sa narara nasang pandaigdigang krisis.
Gayunman, nagbigay ng kondisyon si Razon na tanging sa mga ang kop na trabaho lamang maaring makapag-sideline ang mga pulis para magkaroon ng ‘extra income.’
Ayon kay Razon, maaaring humanap ng extra job ang mga pulis basta’t tiyakin lamang na ito’y legal at hindi papasok ang mga ito bilang ’bouncer ‘ o yaong mga tagagulpi sa mga abusadong mga customer sa mga club.
Ipinaliwanag ni Razon na kung bouncer ang papasukan ng mga pulis na nais magkaroon ng sideline, tiyak aniyang papasok dito ang gulo na taliwas sa misyon ng mga pulis na tagaprotekta ng mamamayan dahil hindi maiiwasang protektahan nito ang establisimyentong kanilang pagkukunan ng dagdag kita.
Isinuhestiyon naman ni Razon na bukod sa pagiging taxi at jeepney driver, maaari ring maging extra job ng mga pulis ang pagiging dance instructor, martial art instructor o maging extra sa pelikula kahit ang mga magiging papel ng mga ito’y kontrabida.
Batay sa report, marami sa mga pulis partikular na yaong mga mabababa ang suweldo ang dumaraing na nahihirapan silang pagkasyahin ang kanilang kinikita sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya lalo pa nga at sobrang taas na ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
- Latest
- Trending