Inatasan ng Korte Suprema ang isang manning company na bayaran ang isang seaman na nagkasakit at nabalda habang nagtatrabaho ito sa kanilang kumpanya.
Sa 10-pahinang desisyon ng Supreme Court (SC) na sinulat ni Associate Justice Leonardo Quisumbing, kinatigan nito ang inihaing petition ni Benedito Suganob na humihiling na bayaran siya ng halagang US$60,000 para sa kanyang sickness at disability benefits ng Philimare, Inc. at Marlow Navigation Co. ltd bilang Chief cook sa loob ng 10 taon.
Base sa record ng Korte, nakatalaga si Suganob sa MV Mekong Star noong Setyembre 2, 2001 at pinabalik sa Pilipinas upang maipagamot dahil sa matinding pananakit ng kanang balikat.
Sumailalim sa serye ng pagsusuri sa Peoples Diagnostic Center si Suganob at natuklasang mayroon itong bali sa kanang balikat, gouty arthritis, urinary track infection at hypertension.
Kaya’t idineklara itong “unfit to work” noong Oktubre 11,2001 at makalipas ang 18 araw ay idineklara na itong “fit to work” ng nasabing klinika.
Abril 5, 2002 ay muli na namang pinatigil sa pagta-trabaho si Suganob dahil sa edad na rin nito at sa muling pagbalik ng kanyang mga sakit.
Humingi ng permanent disability at sickness benefits si Suganob subalit iginiit ng Philimare, Inc at Marlow Navigation na hindi ito nararapat bigyan ng benepisyo dahil ang kanyang sakit ay hindi kaugnay sa kanyang trabaho. (Gemma Amargo-Garcia)