RP baka raw bahain ng Jurassic ships

Nababahala ang militanteng grupong Pam­bansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas na posibleng bahain ang bansa ng tinagurian nilang “Jurassic ships” o mga lumang barko na katulad ng lumubog na MV Princess of the Stars ng Sulpicio Lines.

Ang pahayag ay ginawa ng Pamalakaya nang ianunsiyo kamakailan ng Senado ang listahan ng kanilang mga prioridad na kinabi­bilangan ng kontrobersyal na Japan-Philippines Economic Partnership Agreement.

Sinabi ni Pamalakaya President Fernando Hicap na matagal nang nakabukas ang palad ng Pilipinas para sa mga segunda manong barko, cargo at commercial fishing vessels mula sa Japan kahit noon pang panahon ng rehimeng Marcos sa ilalim ng treaty of amity, commerce and navigation at kahit pa bagsak ang antas ng seaworthiness o kaligtasan nito sa karagatan at performace background.

Nangangamba si Hicap na, kapag naratipikahan ang Jpepa, uulanin ng mga peligrosong barko o sasakyang pandagat ang Pilipinas na galing Japan at muling malagay sa bunganga ng kamatayan ang maraming Pilipino. (Angie dela Cruz)

Show comments