Pormal nang inilatag sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng mga operators ng provincial buses sa pangunguna ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) ang P2.50 dagdag pasahe para sa lahat ng provincial ordinary bus at P3.00 sa aircon bus.
Ayon kay Homer Mercado, national president ng PBOAP, hindi na makakayanan pa ng sektor ng transportasyon sa mga probinsiya ang epektong dulot ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, patuloy na pagtaas ng halaga ng bilihin, spare parts at iba pang serbisyo sa pamahalaan.
Sinabi ni Mercado na tanging ang pagtataas ng pasahe lamang sa mga pampasaherong bus sa mga lalawigan ang makakatulong upang sila ay makabangon mula sa kasalukuyang kahirapan.
Kung hindi anya maaksiyunan ang giit na taas-pasahe ay malamang na bumaba ang bilang ng mga napasadang bus sa mga probinsiya na maghahatid sundo sa mga pasahero mula Metro Manila puntang probinsiya at vice versa.
Nitong Hunyo, pinayagan ng LTFRB na magtaas ang ordinary bus sa Metro Manila ng P10 pasahe at P12.50 naman sa aircon buses. Hindi kasama dito ang provincial buses. (Angie dela Cruz)