Pormal nang binuksan kahapon sa publiko ng Philippine Inventors Society ang isang “public demo” ng mga produktong gawa ng mga Filipino inventors na layuning makatipid ang publiko laluna ang mga motorista sa gastusin sa kanilang mga sasakyan.
Tampok sa demonstrasyon ang mga makina ng sasakyan na magbibigay katipiran sa paggamit ng gas, diesel at LPG sa mga sasakyan na pawang sinertipikahan at aprubado ng pamahalaan tulad ng DOST, Dept of Energy, DENR, LTO at DOTC.
Pinangasiwaan ni Orlando Marquez, National Vice President ng Philippine Inventors Society ang public demo kasama si Engr. Joel Donato, head ng Motor Vehicle Inspection Section (MVIS) at iba pang inventors ng bansa.
“Ito ay malaking tulong ni Assec Bert Suansing sa hanay ng mga Pilipino inventors na ang kanilang inventions ay higit na makilala ng publiko at sa pamamagitan nito ay makatulong naman ito na makatipid ang publiko sa paggamit ng gasolina, diesel at LPG sa kanilang sasakyan,” dagdag ni Marquez.
Ang demo ay bukas 9am-5pm Lunes hanggang Biyernes sa LTO MVIS East Avenue, QC. May libre ding seminar para mabigyan ng dagdag na kaalaman ang publiko sa pangangalaga sa sasakyan at katipiran sa paggamit ng petrolyo sa sasakyan.
Ang mga nais sumailalim sa libreng seminar ay maaaring tumawag sa tanggapan ng Philippine Inventors Society sa 889-58 29 at 888-2132. Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat si Marquez at ang transport sector sa pangunguna ng 1-Utak sa DOTC matapos hindi na isama ang mga pampasaherong sasakyan sa pag-takeover ng GSIS sa CTPL insurance. (Angie dela Cruz)